Solar Bottle Bulb, sinimulan nang gamitin ng mga taga-Baseco

Saturday, 16 April 2011

MANILA, Philippines — Sinimulan nang gamitin sa Baseco Compound ang Solar Bottle Bulb. Ito ay isang green revolution project kung saan ay magbibigay ng liwanag nang hindi gumamagamit ng kuryente.
 
Ayon sa MyShelter Foundation Executive Director Illac Diaz, isa itong praktikal na pamamaraan na kayang-kayang gawin ng lahat gamit ang isang lumang 1.5 liter plastic bottle at kapirasong yero.
 
“Yun yung kulang sa solusyun eh, hindi lang reduction sa electricity na mamahaling light bulb. Eto talagang 100% no electricity. Kung yung green technologies dati sa pinakamayaman lang o 1% of society, sa ngayon, sa tulong ng ganito, maraming makakabenepisyo,” pahayag ni Illac Diaz.
 
Ayon pa sa mga nag-introduce nito, ginagamit na rin ito sa bansang Brazil kung kaya naman maituturing ang proyektong ito sa buong mundo bilang largest green lighting program para sa mahihirap.
 
Dalawang libong pirasong solar bulb ang naipamigay. Umaasa naman si Manila Mayor Lim na kakalat ang proyektong ito sa iba’t-ibang lugar sa bansa, “kapag nabalitaan nila yan na sa lungsod ng Maynila ay tagumpay itong project o experiment na ito, gagayahin na yan lalo na sa mga lalawigan natin at sa mga barrio.They can utilize this thing, it’s a very simple thing to do, eh.”
 
Pupunuin lang ng tubig ang bote at hahaluan ng apat na takal ng chlorox bleach at saka ihaha-hang sa ginawang butas sa bubong. Tatlo hanggang limang taon ang sinasabing buhay ng liquid solution na ito bago palitan uli ng tubig. Bagay na bagay ito lalo na sa mga depressed area kung saan ang kuryente ay napakahirap makamtan.
 
Sinabi naman ni MERALCO Senior Vice President Alfredo Panlilio na sa teknolohiyang ito, maiiwasan na ang paggamit ng kandila na karaniwang pinagmumulan ng sunog at mababawasan na rin ang problema ng mga electric company sa mga illegal connections, “obviously, they will not tap anymore on our MERALCO facilities if they have this, so it help us also.” (Ulat ni Pong Mercado, UNTV News)